Umaasa pa rin ang mga otoridad na may makukuha pa silang survivors sa mga lugar na pinangyarihan ng landslides bunsod ng Bagyong Agaton.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mark Timbal, ilan sa mga rescuers ang hindi pa lumilipat sa retrieval operations.
Paliwanag niya, may mga boses pa raw na naririnig ang ilang residente sa mga apektadong lugar na humihingi ng tulong.
Pero inihayag ni Baybay City Mayor Jose Carlos Cari sa Leyte na retrieval operations na ang kanilang isinasagawa partikular sa Barangay Kantagnos.
Aniya, halos 90% kasi ng nasabing lugar na may 156 kabahayan ang tuluyan nang natabunan ng gumuhong lupa at wala nang makitang buhay o marinig pang ingay. —sa panulat ni Abie Aliño