Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga kinauukulan na suriing mabuti ang mga bahay na nasa kategoryang “partially damaged” at “totally damaged” kasunod ng nagdaang kalamidad sa Misamis Oriental noong nakaraang buwan.
Sa kanyang pagbisita sa mga apektadong residente sa Gingoog City, sinabi PBBM na nais niyang malaman kung ilang kabahayan ang bahagyang nawasak at ilan ang “completely damaged.”
Tutulong aniya ang pamahalaan sa pagbibigay ng rebuilding materials kung kakayaning itayo muli habang kung hindi na uubra pa ay sisikaping maipagpatayo na lang ng bago.
Isa sa mga opsiyon ay dalhin ang mga apektadong pamilya sa resettlement area sa tulong ng National Housing Authority (NHA).
Maliban dito, tiniyak din ng Pangulong Marcos na maibibigay ng gobyerno ang lahat ng pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan ng pagbaha at landslide sa Misamis Oriental na dulot ng shearline noong nakaraang pasko. – sa ulat mula kay Cely- Ortega Bueno (Patrol 19)