Naniniwala si dating Bayan Muna Party-List Rep. Neri Colmenares na hindi para sa seguridad ng Pilipinas kundi para political survival ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pagbabago sa national security council.
Ito’y matapos na tanggalin ni Pangulong Marcos ang Vice President at mga dating pangulo ng bansa bilang miyembro ng NSC sa pamamagitan ng executive order 81.
Kabilang na rito sina Vice President Sara Duterte at ama nitong si dating pangulong Rodrigo Duterte na ikinokonsiderang ‘purging’ ng isang political analyst.
Naniniwala rin ang dating mambabatas na lalong titindi ang power struggle sa pagitan ng mga Duterte at Marcos sa paparating na 2025 midterm election para maproteksyunan ang kani-kanilang dynasty.
Para naman kay dating presidential spokesperson Atty. Salvador Panelo, ang pag-aalis nina dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at dating pangulong joseph Estrada sa NSC ay para pagtakpan at pabanguhin lamang ang pagkakaalis ni VP Sara bilang miyembro upang palabasin na hindi talaga ito ang target ng nasabing kautausan.
Kasabay ng pag-lagda ng pangulo sa EO-81 ipinaliwanag ni Executive Secretary Lucas Bersamnin, na kinakailangang gawin ang nasabing pagbabago upang matiyak na mananatiling matatag ang NSC bilang isang national security institution, na kayang mag-adapt sa mga nag-babagong hamon at oportunidad, sa loob at labas ng bansa. – Sa panulat ni Jeraline Doinog