Babantayan ng NAMFREL o National Citizens Movement for Free Elections ang mga resibo na mai-isyu sa mga botante ng mga vote counting machines (VCMs).
Ayon kay Maricor Akol ng NAMFREL, kukuha sila ng mas maraming volunteers upang mabantayan at matiyak na iiwan at hindi madadala ng mga botante ang resibo.
“Sana man lang ay makakakuha ng sapat na volunteers na makakakita na hindi kinukuha ng mga botante yun kundi iniiwan yun dahil yun ay isang bahagi ng election paraphernalia, hindi puwedeng iuwi yun kasi nga ang sinasabi ng COMELEC ay yun ay magagamit pang vote buying.” Ani Akol.
Kasabay nito, sinabi ni Akol na puspusan na rin ang ginagawa nilang paghahanda para sa random manual audit pagkatapos ng eleksyon.
Ang random manual audit ay tumutukoy sa manual na pagbibilang ng mga boto mula sa piling mga lugar lamang upang malaman kung tutugma ito sa bilang ng mga vote counting machines (VCMs).
PPCRV
Itinutulak naman ng PPCRV o Parish Pastoral Council for Responsible Voting ang pag-amyenda sa Omnibus Election Code.
Ayon kay dating Ambassador Henrietta de Villa, Chairperson ng PPCRV, panahon nang bisitahin uli ang batas upang tingnan ang mga dating baguhin at lagyan ng detalye lalo na sa panuntunan sa pangangampanya.
Tinukoy ni de Villa ang isinasaad ng batas sa pagsisimula ng campaign period subalit ang realidad ay matagal nang nagsimula sa kanilang pangangampaya ang mga kandidato.
Samantala, nagpahayag ng pagkabahala si de Villa sa halos 500 lugar sa bansa na uncontested o walang kalaban ang kandidato.
Sinabi ni de Villa na may mga natanggap silang report na malaking areglo ang nangyayari upang magkaroon ng uncontested position.
Kasabay na rin anya ito ng lumalawak na bilihin at bentahan ng boto na mismong ang mga barangay officials ang nagsisilbing brokers o tagapamagitan.
Sinabi ni de Villa na batay sa natanggap nilang report, hindi na per tao ang pagbili ng boto kundi pami-pamilya na at kung minsan ay buong barangay ang binibili ang boto.
By Len Aguirre | Ratsada Balita