Sinimulan na ng mga residente sa paligid ng Taal volcano ang preparasyon para sa paglikas sakaling mag-alburoto muli ang bulkan.
Ito’y makaraang magparamdam na naman ang Taal simula noong Sabado kung saan siyam na Phreato-Magmatic eruptions ang naitala hanggang alas-5 ng umaga kahapon.
Ayon sa Phivolcs, ang mahihinang pagsabog ay limitado lamang sa crater ng bulkan.
Kabilang sa mga nagsimula nang maghanda ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Agoncillo, Batangas.
Inihayag ni MDRRMO officer Junfrance De Villa na nagtalaga na sila ng pickup points at evacuation centers sakaling magpakita muli ng abnormal na aktibidad ang Taal volcano.
Nananatili sa ilalim ng Alert Level 2 o increased unrest ang Bulkang Taal.