Nabalot ng takot ang mga residente ng Buluan, Maguindanao dahil sa presensya ng mga armadong miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) Misuari Faction.
Nabatid na humarang sa national highway ng Buluan ang mahigit 200 MNLF combatants na magsasagawa sana ng peace rally.
Kaagad namang rumesponde ang puwersa ng 40th Infantry Battalion ng Philippine Army kasama ang Philippine National Police (PNP) at sapilitang pinasuko ang mga nasabing MNLF members na may bitbit na armas.
Ang grupo ay pinamumunuan ni Ustadz Jamaluddin Abdulla alyas “Kumander Guiamaludin Gulam” na nagsabing wala silang planong manggulo at mapayapang pagkilos lamang ang pakay nila.
Nakasaad sa kasunduan ng MNLF at gobyerno, bawal magbitbit ng armas ang MNLF members sa matataong lugar lalo na’t umiiral pa ang martial law sa Mindanao.
Ang mahigit 50 armas ay hawak na ng mga otoridad at ite-turn over sa PNP para sa kaukulang paghahanda ng kaso laban sa mga nasabing MNLF fighters.