Kailangang pang ma-rescue ang mahigit kalahati ng mga residente ng Marikina City na stranded sa kani kanilang mga bahay o rooftop dahil sa hagupit ng bagyong Ulysses.
Ayon ito kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro na nagsabing 4 sa 5 area sa lungsod ang labis na hinagupit ng bagyo.
Tuloy-tuloy naman aniya ang paglilikas nila at nananawagan sila sa ahensya ng gobyerno na tulungan sila sa rescue operations na nababalam dahil sa limitadong water assets ng city government.
Sinabi ni Teodoro na manually operated at hind motorized ang kanilang rescue boat na inagos nang tumaas ang tubig at lumakas ang agos.
Tiniyak ni teodoro sa mga residente ng Marikina na nakipag-ugnayan na sila sa NDRRMC, Philippine Coastguard at PNP para sa rescue operations.
Inamin ni Teodoro na hindi nila inasahang aabot sa 22 meters ang water level sa Marikina river gayung ang pinakamataas lamang na antas nitong 18 meters ang pinagbatayan ng kanilang paghahanda base na rin sa data na mayroon sila.