Nakipila para kunin ang kaniyang cash subsidy ng isang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa barangay Escopa 4, Quezon City.
Batay sa ulat, pumila ang 49 anyos na ginang kasama ang nasa 368 residente na iba pang benepisyaryo ng kanilang barangay ng tulong pinansyal mula sa gobyerno.
Abril 16 umano nang magpakonsulta sa doktor ang ginang dahil sa nararanasang hirap sa paghinga.
Kinuhanan umano ng samples para sa testing ang ginang at pinauwi na ito para sa home quarantine dahil kinakitaan lang umano ito ng mild symptoms.
Lumabas umano ang resulta nito ng gabi ng Abril 25 at nagpositibo nga sa COVID-19 ang ginang.
Dahil dito nakipag ugnayan ang mga opisyal ng barangay sa City Health Office para ma-isolate na ang pasyente na nasa mabuti namang kondisyon.
Nagsagawa na rin agad ang mga lokal na opisyal ng contact tracing sa mga posibleng nakasalamuha ng pasyente.