Isa ang nasawi habang 9 ang nasugatan sa sunog sa isang residential area sa Barangay Pilar, Las Piñas City, kahapon.
Kinilala ni Fire Officer 1 Rizaldo Aitan ng Bureau of Fire Protection—Las Piñas ang nasawing biktimang si Steve Densing, 21-anyos na natagpuang nakahiga sa kanyang kama matapos ang kanilang mopping operation.
Ayon kay Aitan, batay sa salaysay ng kapatid ng biktima, sadyang mahimbing matulog si Densing dahil hatinggabi na ito naka-uuwi mula sa trabaho.
Sumiklab ang apoy sa bahay ng isang alyas Cora sa Laong Compound dahil sa naiwan umanong niluluto sa kalan de uling habang tinataya sa 500 kabahayan ang natupok.
Nasa 700 pamilya naman ang pansamantalang nanunuluyan sa Pilar Complex habang 800 iba pa ang nananatili sa covered court sa Barangay Almanza Uno.
Umabot naman sa 1.5 milyong piso ang halaga ng mga natupok o napinsalang ari-arian.
—-