Ipinauubaya na ni PNP Chief Dir/Gen. Ronald Bato Dela Rosa sa pamunuan ng Philippine National Police Academy (PNPA) ang pagresolba sa nangyaring pambubugbog ng mga junior cadets nito sa mga nagsipagtapos na miyembro ng Maragtas Class of 2018.
Iyan ang inihayag ng PNP Chief makaraang ibasura niya ang inihaing resignation o pagbibitiw ni PNPA Director C/Supt. Joseph Adnol dahil sa kahihiyang inabot nito sa naturang insidente.
Ayon kay Bato, sa halip na kastiguhin ay pinayuhan niya si Adnol na ayusin na lamang ang naturang tradisyon ng paghihiganti ng mga junior cadets sa mga upper classmen sa akademiya.
Paliwanag pa ng PNP Chief, hindi niya saklaw ang PNPA dahil ito’y nasa ilalim ng pamamahala ng Philippine Public Safety College (PPSC)na direktang pinamamahalaan ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Kasunod nito, inihayag ni bato na tatanggapin pa rin nila sa hanay ng pulisya ang mga kadeteng sangkot sa naganap na pambubugbog sa kanilang mga senior cadets.
Ito’y dahil sa paniniwalang may pagkakataon pang magbago ang mga naturang kadete at pinayuhan na rin aniya ang mga ito na itigil na ang maling tradisyon.
-Jonathan Andal