Nirerespeto ng Malacañang ang desisyon ni dating Tourism Promotions Board Chief Cesar Montano na magbitiw sa puwesto.
Ito’y matapos ang maanomalya umanong pag-release ng 80 million pesos na pondo para sa ‘Buhay Carinderia Project’ ng Department of Tourism o DOT.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, tama lamang ang ginawang pagbibitiw ni Montano dahil kailangan na ni bagong Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat ng mga fresh slate o bagong opisyal sa kanyang kagawaran.
Dapat munang hayaan si Puyat na bumuo ng sariling team upang magtagumpay ito sa kanyang mga nais na isulong na proyekto sa DOT.
Samantala, suportado naman ng Palasyo ang panawagan ni Puyat na isailalim sa full scale audit ng Commission on Audit ang mga dating proyekto ng ahensya.
Nagbitiw na Tourism Promotions Board Chief na si Cesar Montano, mananagot pa rin sa batas
Tiniyak ng Malacañang na mananagot pa rin ang nagbitiw na si Tourism Promotions Board Chief Cesar Montano kung mapatutunayang sangkot ito sa katiwalian sa Department of Tourism.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nagpapatuloy ang imbestigasyon sa issue ng maanomalya umanong pag-release ni Montano ng 80 Million Pesos para sa “Buhay Carinderia” Project ng D.O.T.
Gayunman, nilinaw ng tagapagsalita ng Palasyo na nasa Office of the Ombudsman pa rin ang bola sa pagsasampa ng kaso sa aktor sakaling lumutang sa kanilang imbestigasyon na mayroon itong pananagutan sa batas.
Mayo 21 nang maghain ng resignation si Montano na agad namang tinanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte.
—-