Pinaiimbestigahan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagkakalusot ng 6.8 na bilyong pisong halaga ng iligal na droga sa bansa.
Sa House Resolution 2068 na inihain ni Marikina Representative Miro Quimbo sa Kamara, nais nitong ipasiyasat ang pagkakapuslit ng naturang halaga ng illegal na droga gayundin ang posibleng pananagutan ng Bureau of Customs o BOC dito.
Naniniwala si Quimbo na patuloy ang korapsyon at “incompetence” sa loob ng BOC dahil hindi aniya mangyayari ito kung walang sabwatan sa mga opisyal at tauhan nito.
Sa kabila ng resolusyon, tuloy pa rin ang moto propio investigation ngayong araw ng House Committee on Dangerous Drugs sa 6.8 billion pesos shabu smuggling.
NBI iimbestigahan ang P6.8-B drug smuggling sa BOC
Pasok na rin ang NBI o National Bureau of Investigation sa imbestigasyon kaugnay sa pagkakalusot ng 6.8 na bilyong pisong halaga ng illegal na droga sa bansa.
Kasunod ito ng direktiba ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa NBI na imbestigahan ang mga opisyal ng BOC o Bureau of Customs gayundin ang iba pang ahensya ng gobyerno at pribadong indibidwal na posibleng sangkot sa pagpupuslit ng illegal na droga.
Ayon kay Guevarra, hindi maaaring palampasin ang nasabing insidente lalo pa’t malaking halaga ng illegal na droga ang naipasok sa bansa.
Matatandaang, nabulilyaso nuong nakaraang Biyernes ang operasyon ng PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency matapos madatnan na wala ng laman ang apat na magnetic filters na pinaniniwalaang pinaglagyan ng libu-libong kilo ng shabu sa isang bodega sa Cavite.
—-