Binalewala ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang resolusyon ng magnificent seven na makipag-ugnayan muna ang Kamara sa Senado bago aksyunan ang death penalty bill.
Ayon kay Alvarez, wala naman syang magagawa kung hindi pumasa ang death penalty bill sa Senado.
May kanya-kanya anyang istilo ang liderato ng dalawang kapulungan at may kanya-kanya rin silang tungkulin.
Sinabi ni Alvarez na desidido siyang ituloy ang plano niyang tanggalin sa hawak nilang posisyon ang sinumang kaalyado ng administrasyon na hindi susuporta sa death penalty bill.
Kumpiyansa si Alvarez na mayroong sapat na numero para makalusot sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang death penalty bill sa sandaling isalang ito sa botohan sa Marso.
“Tingin ko naman safe tayto, we have the numbers, hindi naman madami ang tumututol mangilang-ngilan lang, marami pa po tayong panukalang bayas na dapat talakayin at ipasa, hindi tayo dapat maantala sa panukalang batas na ito.” Ani Alvarez
Kasabay nito ay ibinasura rin ni Alvarez ang argumento ng mga tutol sa death penalty bill na kailangang ayusin muna ang justice system ng bansa upang matiyak na walang inosenteng mapaparusahan ng kamatayan.
“Dapat ang usigin nila diyan ay ang judicial system kasi nandun ang problema wala naman sa amin, kami ay gumagawa lang ng tungkulin namin bilang legislators ngayon hindi naman puwedeng yung isinisisi sa isang branch ng government ay maging dahilan upang hindi namin gawin ang aming tungkulin.” Dagdag ni Alvarez
Anomalya sa PAGCOR
Samantala, tiniyak ni Alvarez na mananagot ang mga dating opisyal ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa ilalim ng Aquino administration sa nabunyag na anomalya sa pag-upa nila sa isang gusali sa Maynila.
Tinukoy ni Alvarez ang pinasok na kontrata ng nagdaang administrasyon ng PAGCOR sa Vanderwood Management Corporation.
Nagbayad anya ng dalawandaan at tatlumput tatlong (233) milyong piso ang PAGCOR sa Vanderwood para sa isang taong upa sa isang gusali na hanggang ngayon ay hindi pa naitatayo.
Kabilang sa ginisa ni Alvarez sa hearing ng House Committee on Good Government and Public Accountability si dating PAGCOR Chairman Cristino Naguiat.
Samantala, nais ni Alvarez na maimbitahan ang iba pang dating opisyal ng PAGCOR sa susunod na pagdinig at maging si Manila Mayor Joseph Estrada dahil nasasakupan ng Maynila ang Army and Navy Club kung saan di umano itatayo ang gusali para sa casino.
Bahagi ng pahayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez
By Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)