Hindi lehitimo ang umano’y kumalat na resolusyon na humihimok kay Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbo sa pagka-bise presidente sa 2022 national elections.
Ito’y dahil ayon kay PDP-Laban president at Sen. Manny Pacquiao, hindi pa naisasapinal ang kanilang line-up para sa halalan sa susunod na taon.
Sinasabing nilagdaan ng maraming alkalde at mga mambabatas ang resolusyon na may petsang Marso 8 habang nakapirma rin umano rito ang deputy party secretary general ng partido na si Melvin Matibag.
Kasama naman sa mga tinukoy na signatories sina MMDA chairman Benhur Abalos, Mandaluyong Mayor Carmelita Abalos, Quezon City Rep. Alfred Vargas, at Parañaque City Mayor Edwin Olivares.
Samantala, nilinaw naman ni Sen. Aquilino Pimentel III na kahit nagkaroon ng kalituhan sa resolusyon ay hindi ito nangangahulugan na watak-watak na ang kanilang partido.