Ikinatuwa ng iba’t ibang militanteng grupo sa Pilipinas ang ipinasang resolusyon ng United Nations Human Rights Council na imbestigahan ang dumaraming bilang ng mga napapatay sa ilalim ng war on drugs ng Pilipinas.
Ayon sa grupong Karapatan, maituturing anila itong positibong hakbang para sa paghahanap ng katarungan at pagpapanagot sa mga nagkasala.
Umaasa silang igagalang ng administrasyong Duterte ang resolusyon ng United Nations at buksan nito ang pintuan ng Pilipinas para sa imbestigasyon ng mga UN experts.
Para naman sa grupong Bayan o Bagong Alyansang Makabayan, hindi dapat hadlangan ng administrasyon ang ikakasang pagsisiyasat kung wala talaga itong itinatago.
Nagbabala rin ang grupo laban sa administrasyon na lalong mahiwalay ang Pilipinas sa international community kung patuloy itong magmamatigas at ipagwawalang bahala ang resolusyon.