Ihahain sa kamara ang isang resolusyon na tutukoy at maglalantad sa mga pangalan ng mga sangkot sa mga gulay na ipinupuslit sa Pilipinas.
Ito ay matapos ibulgar ng Department of Agriculture (DA) na may malalaking personalidad at pulitiko ang sangkot sa ilegal na pagpasok sa bansa ng mga gulay mula sa ibang bansa kabilang na ang China.
Sa naging pahayag ni Representative Eufemia Cullamat, maghahain ang kanilang grupo ng resolusyon para malaman kung sino-sino ang mga responsable at nasa likod ng smuggling.
Sinabi ni Cullamat na dapat mapanagot ang mga “untouchables” o malalaking opisyal at pulitikong lumabag sa batas.
Sa ngayon kasi, maraming magsasaka ang naghihirap sa importasyon dahil kulang din umano ang suporta at tulong ng pamahalaan. —sa panulat ni Angelica Doctolero