Aprubado na sa Senado ang resolusyon para sa paglikha ng Select Oversight Committee on Intelligence and Confidential Funds.
Ito ay ang Senate Resolution 302 na ini-akda ni Senate President Juan Miguel Zubiri at nag Co-Author lahat ng mga senador.
Ang nasabing Kumite na pamumunuan mismo ni Zubiri ay masusing magbabantay at bubusisi kung paano ginagamit ng ilang ahensya ng gobyerno ang ibinigay sa kanila na Confidential at Intelligence Funds (CIF).
Magiging miyembro ng Oversight Committee sina Senate Majority Leader Joel Villanueva, Minority Leader Koko Pimentel, Senators Ronald Dela Rosa at Sonny Angara.
Sa kanyang sponsorship, inihayag ni Zubiri na ipagpapatuloy ngayong 19th Congress ang naging tradisyon sa mga nakalipas na kongreso na bantayan ang CIF lalo’t sa ilalim ng 2023 budget ay mayroong P9.28-B na CIF.
Iginiit ni Zubiri na responsibilidad nila na maging mapagmatyag para malaman paano gagamitin ang naturang pondo dahil hindi ito dumaraan sa Regular Auditing Rules at Procedures ng commIssion on Audit. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)