Pormal nang isinulong sa Kamara ang resolusyon na humihimok sa gobyerno at pribadong sektor na ipatupad ang panukalang ‘four day work week’.
Sa inihain niyang House Resolution 533, hiniling ni Congressman Elpidio Barzaga na ipatupad on experimental basis ang ‘four day work week’ dahil na rin sa nalalapit na kapaskuhan at SEA Games sa November 11 hanggang December 11.
Sinabi ni Barzaga na ang hakbang ay para na rin lumuwag ang daloy ng trapiko na nagdudulot ng stress, anxiety, low productivity, exposure sa high carbon emission, high gas consumption at matagal na pagkakalayo ng oras mula sa mga pamilya ng bawat Pilipino.
Nilinaw ni Barzaga na bagamat may mga panukala hinggil sa ‘four day work week’, nakabinbin pa ang mga ito sa committee level at maaaring matagalan pa bago ito tuluyang maaprubahan kaya’t inihain na niya ang resolusyon para mabilis itong maipatupad.
Naniniwala aniya siyang ang resolusyon sa problema ng matinding pagsiskip ng trapiko.
Sa ilalim ng panukala, ang mga empleyado ng gobyerno ay papasok mula Lunes hanggang Huwebes, alas 7:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi habang ang mga private employees ay papasok mula Martes hanggang Biyernes ng hanggang sampung oras para makumpleto ang 40 oras na trabaho kada linggo.
Samantala, inihain din nina Cibac Party List Representatives Eddie Villanueva at Domeng Rivera ang House Bill 5471 na nagsusulong ng alternative working arrangements tulad ng compressed work week depende sa mapagkakasunduan ng employer at employee.
Maaari lamang anilang i adjust ng employer ang oras ng trabaho ng kanilang mga empleyado kada linggo na hindi hihigit sa 48 oras at hindi maapektuhan ang sahod at benepisyong natatanggap nila.