Hiniling ng Makabayan Bloc kay Pangulong Rodrigo Duterte na bawiin ang isang resolusyong ipinasa ng Inter-Agency Task Force (IATF) kaugnay sa COVID-19 mandatory vaccination para sa mga manggagawa.
Ayon sa Makabayan Bloc, dapat na iprayoridad ang kapakanan ng mga itinuturing na “economic frontliners.”
Dahil dito, naghain ng Resolution 2373 ang grupo ng makabayan para iapela ang Resolution 148-B ng IATF na nagpapairal ng “No Vaccination, No Work Policy” at itinuturing na ilegal sa ilalim ng mga kasalukuyang batas.
Iginiit pa ng makabayan na hindi tama kung magkakaroon ng diskriminasyon laban sa mga hindi pa bakunado kontra COVID-19.
Samantala, inalmahan din ng mga mambabatas ang mandatory na COVID-19 test sa mga manggagawa dahil ang mga ito mismo ang siyang gagastos para sa kanilang RT-PCR test. —sa panulat ni Angelica Doctolero