Nagpaliwanag ang kampo ni Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan kaugnay sa kabiguan ng ilang senador na lumagda sa resolusyon na nananawagan sa gobyerno na itigil na ang pagpatay sa mga kabataan.
Ayon kay Atty. Herminio Bagro III, Chief of Staff ni Pangilinan, ang kopya ng Resolution 516 ay naipaabot sa mga senador at nagpadala pa ng kopya sa kani- kanilang mga email address.
Kasama sa mga pinadalhan ng kopya ay ang mga senador na sina Richard Gordon, Cynthia Villar, Miguel Zubiri, Gregorio Honasan at Majority Leader Vicente Sotto III.
Nagbigay pa nga aniya ng acknowledge receipt ang opisina ni Senador Gordon.
Sinabi ni Bagro na inihain ang resolusyon noong Setyembre 25, tatlong araw simula noong maipadala ang kopya nito sa email ng mga senador.
Binigyang diin ni Bagro na pagpapakita ito na ang dumaan sa proseso ng senado ang naturang resolusyon at walang intensyon na itago ito sa mga senador.
Una nang tinawag na mga ‘tuta’ ng administrasyong Duterte ang mga binanggit na senador sa isang artikulo sa internet matapos silang mabigong lumagda sa naturang resolusyon.