Inaprubahan na sa senado ang house concurrent resolution na naglalayong mailipat ang ownership ng Mislatel sa binigyan ng karapatan ng Department of Information and Communication Technology o DICT na makapag-operate sa bansa bilang third telco.
Ibig sabihin, aprubado ng kongreso na ilipat ang pagmamay-ari ng Mislatel sa consortium na binubuo ng Udenna Corporation, Chelsea Logistics Holding Corporation ng negosyanteng si Dennis Uy at ng state owned China Telcom.
Katumbas ito ng pagbibigay ng go signal sa naturang consortium para makapag-operate bilang third telco para matigil na ang monopolya ng dalawang malaking telecom sa telecommunication industry.
Sa ginanap na botohan, tatlong senador ang nagpahayag ng pagkontra sa naturang concurrent resolution kabilang sina Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon, Sen. Panfilo Lacson at Risa Hontiveros.
Una rito, nilinaw ni Senator Grace Poe na kahit payagan ng senado ang consortium na magpatuloy sa kanilang operasyon, hindi maaaring pigilan ng sino man ang hingiin ang legal na tulong sa korte.
Ayon sa senadora, inisponsoran niya ang panukala dahil sa pagiging desperado na ng publiko na magkaroon ng bagong player sa telecom industry na magbibigay ng mas maganda at mabilis na serbisyo.
Sinabi pa ni Poe na nanganganib din ang Mislatel na mawalan ng mahigit sa 25 billion pesos na halaga ng tinatawag na performance bond sa oras na mabigo ang mga ito na na gawin ang kanilang obligasyon sa unang taon ng kanilang operasyon.
(with report from Cely Ortega- Bueno)