Hintayin ang enabling environment.
Ito ayon kay Labor Secretary at Chief Negotiator Silvestre Bello III ang tanging makapagpapabukas muli sa usapang pangkapayapaan sa CPP-NPA-NDF.
Sinabi sa DWIZ ni Bello na wine-welcome naman nila ang resolusyon ng mga kongresista na himukin ang Pangulong Rodrigo Duterte na buksan muli ang peace talks subalit hindi ito mangyayari kung hindi magiging paborable sa magkabilang panig ang sitwasyon.
“Hinihintay namin at hinihintay din siguro ng ating Pangulo ‘yung tinatawag na enabling environment, atmosphere na kung saan makikita talaga ang sinseridad ng kausap natin upamng makamit ang panghabang-buhay na kapayapaan.” Ani Bello
Batay sa isinusulong na House Resolution 1803 na pirmado ng mahigit 60 mga mambabatas, kanilang iginiit na higit na makikinabang sa usapang pangkapayapaan ang mga Pilipinong maralita at manggagawa dahil sa isinusulong nitong reporma sa agraryo at industriyalismo.
Bukod sa pagpapatuloy ng peace talks, ipinanawagan din ng mga nasabing mambabatas ang pagkumpleto sa nauna nang natalakay na comprehensive agreements sa social, economic at political reforms na tatayong haligi ng patas at pangmatagalang kapayapaan.
Samantala, ikinalugod naman ni Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) Secretary Jesus Dureza ang nasabing hakbang ng mga mambabatas.
(Ratsada Balita Interview)