Napakalaki ng pagkukulang sa seguridad ng Resorts World Manila.
Ayon ito kay National Capital Region Police Office o NCRPO Chief Oscar Albayalde, base sa kanyang pagsusuri.
Sa panayam ng DWIZ sinabi ni Albayalde na inabanduna ng mga security personnel ng Resorts World ang kanilang CCTV room nang makita sa camera ang suspek na papasok ng hotel na may bitbit na baril.
“Kasi…inabandon lahat nila yung lugar pati yung CCTV nila. Yung CCTV room nila inabandon nila, ang tanong nga ho natin is, the first instance na nakita nila bakit hindi binigyan ng alarm yung mga security nila sa loob or itinawag man lang sa himpilan ng pulis kaagad? Ang pagtawag ho nila nung nagkagulo na eh”, pahayag ni Albayalde.
Ayon pa kay Albayalde, iniimbestigahan na nila ang lumalabas na impormasyon na hindi umano ipinagamit ang fire exit sa mga taong nakulong sa VIP room ng casino.
Ilang minuto matapos humupa ang tensyon, tiniyak pa raw kay Albayalde ng tauhan ng Resorts World na wala nang tao na naiwan sa loob, pero nagulat ang opisyal nang makita niya mismo na may mga lumalabas pa mula sa casino.
“They told us na, ‘wala na po, wala na’. ‘Are you sure all your guest was able to get out?’. ‘Opo’ sabi nila and yet meron paring tao doon sa, hindi nila sinabi na may na-trap na mga tao doon sa VIP rooms nila which is really dark and the smoke is really really thick. Hindi po makapasok yung SWAT natin, hindi makapasok yung SAF natin, hindi makapasok yung bumbero pero the fire is out”, paliwanag ni Albayalde.
Kwento pa ni Albayalde nang dumating siya sa Resorts World ay hindi maituro sa kanya ng mga tauhan ng hotel-casino kung sino ang in-charge sa kanilang security at sa kanilang crisis team.
Taxi driver na naghatid sa gunman sa Resorts World nakikipagtulungan na sa mga otoridad
Diretso mag-tagalog at walang punto sa pananalita ang suspek na umatake sa Resorts World Manila noong Biyernes.
Batay ito sa ibinigay na kwento sa mga pulis ng taxi driver na naghatid sa gunman sa nasabing hotel-casino.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Albayalde na nakikipagtulungan na sa mga otoridad ang naturang taxi driver.
Gayunman hindi pa rin anya nila masasabi na Pilipino at hindi banyaga ang gunman.
Kung matatandaan, sinabi ni Philippine National Police o PNP Chief Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na Caucasian-looking ang suspek at may mga report din na lumabas na may English accent ito.
Ayon kay Albayalde, hanggang sa ngayon hindi pa nila matukoy ang tunay na pagkakakilanlan ng suspek bagay na kailangan anyang ma-establish para mabura na ang lahat ng espekulasyon sa nangyaring insidente.
By Jonathan Andal | IZ Balita Nationwide (Interview)