Nabulabog ang mga guest at empleyado ng Resorts World Manila sa Pasay City makaraang pasukin ng isang armadong lalaki pasado alas-11:00 kagabi.
Ayon sa mga empleyado ng hotel, limang (5) putok ng baril ang narinig mula sa ikatlong palapag ng gusali bago sila abisuhan na lisanin na ang lugar.
Pinagsusunog umano ng gunman ang mga gambling tables sa bahagi ng casino habang sumisigaw at pinagbabaril rin ang mga TV at doorknobs sa loob.
Ilang guest din ang naitalang sugatan dahil sa stampede at nabasag na mga salamin ngunit agad silang nilapatan ng lunas at itinakbo sa mga pinakamalapit na ospital.
Kinalma naman ni Philippine National Police o PNP Chief Director General Ronald dela Rosa ang publiko at sinabing hindi maaaring iugnay sa international terrorist na ISIS ang insidente sa Resorts World Manila sa Pasay City.
Ito ay sa kabila ng pag-ako ng grupo sa naging pag-atake sa naturang casino hotel sa pamamagitan ng kanilang website.
Ayon kay Dela Rosa, isang tao lamang ang pumasok sa naturang casino hotel at hindi sampu (10) tulad ng unang napabalita.
Aniya, mas malamang na pagnanakaw at pagkatalo sa sugal ang siyang motibo ng naging pag-atake ng isang foreign looking na gunman.
Sa gitna ng pangyayari, pinayuhan ni Dela Rosa ang publiko na maging kalmado at alerto.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni PNP Chief Ronald dela Rosa