Pinayagan na ang hanggang 50% kapasidad ng dine-in operations sa mga restaurant at fast food ng sa mga lugar na nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ), simula Hunyo 1.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, magpapalabas ng memorandum ang Department of Trade and Industry (DTI) ngayong araw hinggil dito.
Batay aniya sa guidelines, wala pa ring buffet at self-service areas para sa food bars, condiments at iba pang gamit sa pagkain tulad ng kutsara at tinidor.
Sinabi ni Roque, kinakailangan ding magtalaga ng lugar sa loob ng restaurant o fastfood para sa take out o pick up, magkahiwalay na hand washing area sa staff at dine in customers at contactless drive thru counters.
Hindi rin aniya pinapayagan ang pagbubukas ng mga play areas.
Dagdag ni Roque, wala rin dapat physical contact sa pagbabayad kung saan maglalagay na lamang ng maliit na tray para sa pagtanggap ng bayad o pagkakaroon ng alternatibong mode of payments.
Dapat ding isagawa ang regular na sanitation sa mga madalas na mahawakang lugar o bagay tulad ng hawakan ng pinto, common tables at iba pa.