Pinapurihan ng Restaurant Owners of the Philippines o Resto Ph ang desisyon ng pamahalaan na isailalim sa alert level 4 ang Metro Manila simula Huwebes, Setyembre 16.
Ayon kay Resto Ph president Eric Teng, ang naturang alert level system na pumapayag sa pagbabalik ng ilang porsyento ng dine-in at Al Fresco dining services ay talagang makatutulong sa kanilang sektor.
Aniya sa ganitong paraan ay maibabalanse ng pamahalaan ang kapakanan ng publiko laban sa virus gayundin sa kagutuman.
Kasunod nito, pinasalamatan ni Teng ang pamahalaan sa pamamagitan ni Trade Secretary Ramon Lopez, mga gabinete, at Metro Manila mayors matapos na dinggin ang kanilang panawagan.
Sa huli, binigyang-diin pa ni Teng na kaisa sila ng pamahalaan at publiko sa pag-iingat kontra COVID-19 kasabay ang unti-unting pagbubukas ng mga establisimyento.