Nagsimula na ang restructuring ng National Food Authority (NFA), mahigit isang buwan matapos ipalabas ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Rice Tariffication Act.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), nagkaroon ng pagpupulong ang mga miyembro ng NFA council para talakayin ang mga bagong tungkulin ng NFA ngayong wala nang limitasyon ang pag-aangkat ng bigas.
Sinabi ni Agriculture secretary Manny Piñol, kailangan nang magmadali ng NFA council lalo’t binigyan lamang sila ng 60 araw matapos maipalabas ang IRR para sa pagpapatupad ng restructuring at reorganizing ng NFA.
Samantala, hindi tinukoy ng kagawaran kung kabilang sa natalakay sa pulong ang gagawing hakbang para sa mga manggagawa ng NFA na apektado ng restructuring at mawawalan ng trabaho.
Magugunitang nilimitahan na lamang ang tungkulin ng NFA bilang tagakuha ng buffer stock ng bigas para sa kalamidad batay sa isinasaad na ng Rice Tariffication Act.