Nabunyag na plantsado na ang resulta ng presidential at senatorial elections sa 2016.
Ayon kay dating Manila Councillor Greco Belgica, noong nakaraang taon pa nakaprograma sa mga PCOS machines na gagamitin sa 2016 na mananalo bilang pangulo si Liberal Party standard bearer Mar Roxas at 8 sa mga senatoriables ng partido.
“Inamin naman po ng mga sources natin that the PCOS machine has already Mar Roxas programmed, ang Vice President open pa, since last week pero ngayon Leni Robredo na, yung 8 na nakalabas sa LP yun na po yun, so apat na lang, kaya noong 2013 election nahati yun, 60 percent Liberal, 30 percent UNA kaya 10 percent yun po ang independent.” Ani Belgica.
Sinabi ni Belgica na kung babalikan ang resulta ng eleksyon noong 2013, lumalabas na ang botong nakuha ni Senador Grace Poe na siyang nag number one sa senatorial election ay mas malaki pa kaysa sa bilang ng registered voters.
Malaya aniyang nagawa ang pandaraya dahil tinanggal ng Commission on Elections (COMELEC) ang lahat ng security features ng PCOS machines tulad ng source code, ultra light violet, digital signature at iba pa.
Sa isang video na in-upload ni Belgica at dating representative Atty. Glenn Chong sa You Tube, ipinakita kung paano ginamit sa di umano’y pandaraya ang PCOS machines.
AUDIO: Bahagi ng panayam kay Belgica
Ayon kay Belgica, pinag-aaralan na nila ang paghahain ng kaso laban sa mga nasa likod ng dayaan sa eleksyon gamit ang PCOS machines.
Gayunman, upang matiyak aniya ang tagumpay ng kanilang kampanya, kailangan nila ng tulong ng taongbayan.
Inulit ni Belgica ang panawagan sa mga botante na huwag na lamang bumoto sa 2016 elections.
“Immaterial kung bumoto tayo o hindi, yun ang point, sa totoo lang kung iimbestigahan din ang lahat, palitan din ang lahat, yun ang dapat gawin natin dito, we have to take it upon ourselves, we have to pray and act to bring this issue to justice. Ito evidences ito, sagutin niyo, kung mali itong sinasabi namin eh ipakulong niyo kami, pero kung totoo ang sinasabi namin ay managot din kayo sa batas.” Pahayag ni Belgica.
By Len Aguirre | Ratsada Balita