Kukuwestiyunin ni Cotabato City Mayor Cynthia Guiani-Sayadi sa Commission on Elections (Comelec) ang resulta ng isinagawang plebisito sa Bangsamoro Organic Law (BOL) sa kanilang lungsod.
Ayon kay Sayadi, hindi tunay na saloobin ng mga taga Cotabato City ang naging resulta ng plebesito kung saan nanalo ang botong yes sa canvassing na nangangahulugan namang mapapabilang na ang lungsod sa Bangsamoro Region.
Iginiit ni Sayadi, marami silang naitalang mga karahasan kabilang na ang pagpasok ng libu-libong tauhan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Cotabato City, ilang araw bago ang plebisito.
Gayundin ang mga natanggap na banta ng mga guro dahilan para hindi na sila tumuloy na magsilbi bilang plebcom members.
“Nagpasok sila sa Cotabato City ng mahigit around 15-20,000 sa bawat barangay para kontrolin ang resulta nito. So, ang mga tao doon kung mapapansin niyo mababa yung turnout sa Christian areas dahil hindi na halos makapasok yung mga tao sa dami ng tao na pinasok nila.” Pahayag ni Mayor Sayadi.
Mga kaso ng pang-aabuso dahilan ng mahigpit na pagtutol ni Mayor Sayadi sa BOL
Mga kaso ng pang-aabuso mula sa mga mismong nagsusulong ng Bangsamoro Organic Law (BOL).
Ito ang binigyang diin ni Cotabato City Mayor Cynthia Guiani – Sayadi ang dahilan sa kaniyang mahigpit na pagtutol na maisama sa Bangsamoro Region ang kanilang lungsod.
Ayon kay Sayadi, wala pa man ang plebesito para sa BOL, meron na silang mga naitalang pang-aabuso mula sa mga nagsusulong ng BOL partikular na ang Moro Islamic Liberation Front.
Halimbawa aniya rito ang mga taga Cotabato City na naiipit sa away ng magkalabang commanders ng MILF, naitlang insidente ng pinagbabaril na mga bahay at mga ninakawang pananim.
“Bago natin puntahan yung batas, tingnan muna natin yung mga pang-aabuso, kasi basic yan eh. Bago mo mahalain ang batas, tingnan mo muna yung mga tao na nag-agitate o yung proponents niyan ah hindi ba abusado or wala ba silang mga ginagawa na di kanais-nais. So yun ang dapat na campaign na tiningnan ng mga taga Cotabato, I have been very vocal about it. Hindi pa plebiscite meron na kaming mga recorded incidents of abuses.” Ani Mayor Sayadi.