Hawak na ng Malacañang ang resulta ng pananaliksik ng China sa Benham o mas kilala bilang Philippine Rise.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi dapat paniwalaan ang ipinagkakalat ng mga kritiko na hindi transparent ang gobyerno sa mga nakalap na datos hinggil sa isinagawang exploration.
Nasunod naman aniya ang lahat ng guidelines ng binuong inter-agency hinggil sa pagsama ng mga Pilipino sa research team ng mga dayuhan para kunin ang resulta ng pag-aaral.
Dagdag pa ni Roque, wala ring ibinibigay na impormasyon ang Palasyo kung ano ang nilalaman ng mga naging pag-aaral ng Pilipinas at Tsina sa nasabing karagatan.
(Ulat ni Jopel Pelenio)
Research fund
Samantala, pinagtibay ng Kamara ang resolusyon na nagsusulong sa ehekutibo na maglaan ng pondo para sa pag-aaral sa Benham Rise o Philippine Rise.
Batay sa House Resolution Number 1636 na inihain ni Ilocos Sur Representative Deogracias Victor Savellano gagamitin ang pondo para sa dagdag pang scientific research, marine exploration at pagbili sa karagdagang kagamitan para sa nasabing isasagawang mga pag-aaral sa rehiyon.
Makakatulong din umano ito para makamit ng bansa ang energy sufficiency dahil sa mayaman ang Philippine Rise sa marine resources, minerals at gas deposits.
Para maisakatuparan ang nasabing panukala, nakasaad dito na kailangang lumikha ng trust fund na may paunang halaga na isandaang (100) milyong piso na pangangasiwaan ng National Coast Watch Council.
Magugunitang inulan ng batikos ang kasalukuyang administrasyon makaraang payagan ang China at iba pang bansa na magsagawa ng pag-aaral sa Philippine Rise.
—-