Dapat nang ilabas ng China ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa nangyaring pagbangga ng isang Chinese vessel sa bangkang pangisda ng mga Pinoy sa Recto Bank sa lalong madaling panahon.
Ito ang iginiit ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, para malaman na ng publiko ang bersyon ng China sa pangyayari.
Gayundin aniya ay para maikumpara na ito sa resulta naman ng imbestigasyon ng Pilipinas at hindi na kailanganin pa ng isang third party investigator.
Una nang kinumpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte na hawak niya ang report mula sa isinagawang imbestigasyon ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard sa Recto Bank incident.