Kinumpirma ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na natanggap na ng Palasyo ang resulta ng isinagawang imbestigasyon ng Philippine Coast Guard o PCG at MARINA hinggil sa nangyaring salpukan ng Chinese at Philippine fisihing vessels sa Recto Bank na bahagi ng pinag-aagawang karagatan.
Ayon kay Panelo, sa ngayon kailangan munang basahin at i-finalize ang isinumiteng report ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno dahil posible aniyang magkaiba ang mekanismo o polisiya ng dalawang bansa pagdating sa joint investigation.
Binigyang diin naman ng Palace spokesman na hindi pahihintulutan ng Pilipinas na kontrolin ng China ang findings ng joint investigation.
Sinabi naman ni Department of Transportation Sec. Art Tugade na noong Huwebes pa nila isinumite kay Pangulong Duterte ang nasabing resulta.
Hindi naman nagbigay ng anumang detalye si Tugade hinggil sa kinalabasan ng imbestigasyon ng PCG at MARINA dahil mas mabuti aniyang mabasa muna ito ng punong ehekutibo.