Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na walang foul play sa pagkasawi ni dating Misamis Occidental Provincial Board Member Ricardo “Ardot” Parojinog.
Ito ang inihayag sa DWIZ ni Police Regional Office 10 o Northern Mindanao PNP Director P/BGen. Rolando Anduyan.
Ayon kay Anduyan, maliban sa pagiging malungkot at balisa ni Parojinog nang ibiyahe ito mula maynila patungog Ozamis City, nabatid na nakararanas umano ito ng pangangati dulot ng allergy.
‘Yun din ang pinagtatanong ko na kung meron ba siyang hiningi ano na namomoblema sa katawan niya. isa lang ang sinabi ng kapulisan natin na naka-take charge sa kanya. Na noong gabi nagpapaalam siya na uminom ng anti-allergy na gamot then parang nakakaramdam siya ng pangangati. ‘Yun lang ang nabangit na medyo unusual sa mga nararanasan natin. ani Anduyan
Lumabas na rin aniya ang resulta ng imbestigasyon ng PNP Crime Laboratory sa labi ni Parojinog kung saan, pinagtibay nito na nasawi ang suspek dahil sa sakit at hindi sa anumang pananakit na likha ng tao.
Magugunitang natagpuang patay sa kaniyang selda sa Ozamis City police si Parojinog ilang oras bago ito dalhin sa korte para dumalo sa pagdinig sa kaniyang kaso.
So far ‘yung Crime Lab wala naman nakitaan, kumbaga sugat gawa ng foreign object or material. hindi rin nakitaan ng mga pasa sa katawan at hindi rin nakitaan ng o kumbaga sinakal o binigti. At dineclare ng health officer natin na cause of death is something kinalaman sa kalusugan. ani Anduyan sa panayam ng DWIZ