Tanging mga balik-bansang Non-Overseas Filipino Workers lamang ang sini-serbisyuhan ng 2 pribadong laboratoryo para sa COVID-19 tests sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito ang lumabas sa isinagawang Motu Proprio Investigation ng House Committee on Transportation.
Kaugnay ito ng pahayag ni Senador Richard Gordon na ipinapasa sa mga pribadong laboratoryo ang mga bagong dating na pasahero sa NAIA at sisingilin ng 20k pataas para sa mabilis na pagpapalabas ng resulta ng COVID-19 test.
Ayon kay Dr. Gjay Ordinal ng detoxicare, isang private laboratory na nakapuwesto sa NAIA terminal 2, P4K lamang ang singil nila sa COVID-19 test ng mga balik-bayang non-OFW’s.
Hindi aniya sila naniningil ng higit pa sa nasabing halaga dahil ito lamang ang nakalagay sa kanilang kontrata sa Philippine airlines.
Samantala, sinabi ni Mickey Gonzaga ng Philippine Airport Diagnostic Laboratory (PADLAB), tanging mga non-OFW’s at dayuhan lamang na dumarating sa NAIA terminal 2 at 3 ang kanilang siniserbisyuhan.
Ani Gonzaga, P4K ang kanilang singil para sa COVID-19 tests na maipalalabas ang resulta sa loob ng 2 araw, P7K naman kung 24 oras at 10K kung 12 hours.
Itinanggi rin ni Gonzaga na umaabot sa P20K ang kanilang singil para sa mabilis na resulta ng COVID-19 test.