Tiwala ang National Bureau of Investigation (NBI) na malaki ang magiging ambag sa imbestigasyon ng resulta ng laboratory test sa bangkay ni Christine Dacera nang una itong isugod sa ospital ng Makati Medical Center noong Enero 1 kung saan idineklara siyang dead on arrival.
Ayon kay NBI Deputy Director for Investigative Services Jun De Guzman, lumalabas na limang medical test ang isinagawa kay Dacera sa naturang ospital na aniya’y very valuable.
Batay sa dokumento mula sa Makati Med sumailalim ang likido at ilang organs ni Dacera sa laboratory test kung saan tinukoy kung mayroong iligal na drogang nainom ang biktima gaya ng opium, morphine, benzodiazepine or tranquilizer, marijuana, ecstasy, at methamphetamine.
Pagtitiyak naman ni Forensic Services Deputy Director Ferdinand Lavin na mabusisi nitong kinokolekta ang mga ebidensya at tiyak na magiging maayos ang resulta ng imbestigasyon.
Dagdag pa ng NBI na nakapagpadala na nito ng subpoena sa halos lahat ng persons of interest.—sa panulat ni Agustina Nolasco