Natapos na ng Department of Justice (DOJ) ang kanilang isinagawang pag-aaral hinggil sa implikasyon ng posibleng pagbasura sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, kanila nang isusumite ang resulta ng nabanggit na pag-aaral sa tanggapan ng Pangulo ngayong linggo.
Aniya, ipauubaya na lamang nila kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapasiya sa kanilang naging impact assessment.
Kasama sa pinag-aralan ng DOJ ang legal procedure sa pagbasura sa VFA gayundin ang posibleng maging epekto nito sa Enhance Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Magugunitang inatasan ni Pangulong Duterte ang DOJ na magsagawa ng preliminary impact assessment sakaling tuluyan nang maibasura ang VFA. — ulat mula kay Bert Mozo (Patrol 3)