Posibleng lumabas ang resulta ng clinical trials ng Department Of Science and Technology o DOST para sa Ivermectin laban sa COVID-19 sa Enero 2022.
Ito ay ayon kay Dr. Jaime Montoya, Executive Director of the DOST’s Philippine Council for Health Research, tatagal ng lima hanggang anim na buwan ang isasagawang clinical trials para sa Ivermectin.
Inaasahan namang magsisimula sa katapusan ng Mayo o unang linggo ng Hunyo ang isasagawang trials sa naturang gamot.
Dagdag ni Montoya, kasama sa kanilang pag-aaral ay ang mga non-severe, symptomatic at symptomatic na nasa quarantine na mga aktibong kaso ng COVID-19.
Bukod dito, maaari aniyang pumili ang gobyerno sa pagkuha sa clinical trial ng Ivermectin
Una, maaari itong makuha mula sa local manufacturer aprubado ng Food and Drug Administration o FDA na gamitin sa tao o maaari rin sa mga nag-iimport ng anti-parasitic drug mula sa ibang bansa.
Ngunit maaari itong mapabilis kung marami ang marerecruit para sa clinical trial.
Samantala, binigyan naman ng FDA ang limang ospital ng compassionate use permit para sa paggamit ng Ivermectin.—sa panulat ni Rashid Locsin