Inaasahang bukas ng hapon, Huwebes, Enero 23, ilalabas ang resulta ng pagsusuri sa batang nakitaan ng mga sintomas ng Coronavirus sa Cebu.
Sinabi ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na ngayong Miyerkules inaasahang mapapasakamay ng mga otoridad sa Melbourne, Australia ang samples na kinuha sa pasyente.
Ayon kay Duque, kaagad silang magsasagawa ng contract tracing sa sandaling mag positibo sa SARS-like virus na kumakalat ngayon sa China.
Hahanapin aniya ng surveillance unit officers ng DOH ang unang apat na pasahero sa eroplano na katabi ng bata o ‘yung mga nasa kaliwa at kanan at maging sa harapan at likuran nito.
Ipinabatid ni Duque na ang nanay ng bata na isa sa mga katabi nito sa eroplano ay maayos na ang kondisyon at hindi nakitaan ng anumang sintomas.
Kasabay nito, inihayag ni Duque na bumubuti na rin ang kondisyon ng nasabing bata.