Posibleng ipalabas ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP ngayong linggo ang resulta ng kanilang partial investigation sa nangyaring pagsadsad ng eroplano ng Xiamen Air sa runway ng NAIA.
Ayon kay CAAP Spokesperson Eric Apolonio, kinakailangan pa nilang kumpletuhin ang nilalaman ng flight data recorder ng sumadsad na eroplano ng Xiamen bago opisyal na magpalabas ng pahayag.
Gayunman nilinaw ni Apolonio na walang nangyaring miscommunication sa pagitan ng NAIA control tower at piloto ng eroplano ng Xiamen na sinasabing dahilan naman ng pagsadsad nito sa runway.
“In fact nag-misapproach sila on the first try because of the weather, visibility, second marami naman ang nakababa, meron namang enough evidence na malalaman talaga kung ano ang totoong nangyari.” Ani Apolonio
Tiniyak naman ni Apolonio na nakikipagtulungan ang Korean national na piloto at Chinese co-pilot ng nasabing eroplano sa kanilang isinasagawang imbestigasyon.
Sa katunayan aniya ay nananatili pa ang mga ito sa bansa at dalawang beses na ring humarap sa kanilang imbestigasyon.
(Ratsada Balita Interview)