Winelcome at nagpasalamat ang kampo ni Vice President Jejomar Binay sa publiko dahil sa anila’y patuloy na suporta nito dahilan kung bakit tumaas ang kaniyang trust at approval ratings.
Matatandaang base sa pinakabagong Pulse Asia survey sa buong bansa, nakakuha si VP Binay ng 9 na puntos na pagtaas sa kanyang approval ratings at 10 puntos namang pagtaas sa kaniyang trust ratings.
Kaugnay nito, sinabi ni Atty. Rico Quicho, tagapagsalita ng bise presidente na ang pagsusulong ng kanilang makamahirap na agenda at paglapit sa mga tao ang dahilan kung bakit nakamit ni Binay ang grado.
Kasunod ng resulta ng survey ang aniya’y pangangailangan ng bansa sa isang may karanasan at competent na pinuno upang mangasiwa sa pag-unlad na ang makikinabang ay ang mga mahihirap at marginalized sectors.
Ayon kay Quicho, ang pagtaas ng ratings ni binay ay repleksyon lamang na tumutugon ang publiko sa aniya’y malinaw na mensahe ng bise presidente.
Nakikisimpatya rin aniya ang mga Pinoy sa mga pagsubok na hinaharap ng pangalawang pangulo.
By Allan Francisco