Inilabas na ng OCTA Research ang kanilang Tugon ng Masa survey tungkol sa mga polisiya at programa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa West Philippine Sea (WPS) para sa third quarter ng 2023.
Sa naturang survey, tinanong ang respondents kung sang-ayon ba sila o hindi sa pagtugon ng kasalukuyang administrasyon tungkol sa alitan sa teritoryo sa pagitan ng Pilipinas at China.
Sa isinagawang kaparehong survey noong July para sa second quarter ng 2023, naipakitang 43% ng adult Filipinos ang sang-ayon sa approach ng administrasyon ni Pangulong Marcos sa isyu sa WPS.
Nitong December 28, 2023 naman, inilabas na ng OCTA Research ang resulta ng survey para sa ikatlong quarter ng taon. Dito, nakitang mas tiwala na ang mga Pilipino sa pag-handle ng pamahalaan sa isyu sa WPS dahil 58% na ang approved sa mga programa at polisiya ng kasalukuyang administrasyon. Mas mataas ito ng 15% kumpara sa nakaraang survey.
Natuklasan din sa survey na karamihan sa respondents na sang-ayon sa state policies sa naturang isyu ay may edad na 75 pataas, habang karamihan naman sa mga hindi sang-ayon ay mga Pilipinong 18 to 24 years old.
Bukod rito, lumabas na 42% ang nagnanais na magkaroon ang Pilipinas ng mas maraming joint patrols kasama ang mga kaalyadong bansa. Matatandaang kamakailan lang, nagsagawa ang bansa ng joint patrols sa WPS kasama ang Amerika. Hindi ito nagustuhan ng China na sinabing nagsti-“stirring up of trouble” ang Manila sa rehiyon.
Agad naman itong pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na iginiit na sinusundan lang ng bansa ang international law. Ayon kay military spokesman Col. Medel Aguilar, nagkakalat ng fake news ang state media ng China na ipinalalabas na nagsisimula ng gulo ang Pilipinas sa WPS.
Simula nang maupo si Pangulong Marcos sa opisina, nakapaghain ang pamahalaan ng higit sa ilang daang diplomatic protests dahil sa agresyon ng China sa WPS, kabilang na ang paggamit ng military-grade laser at water cannon sa mga barko ng Pilipinas.
Para sa Pangulo, most complex geopolitical challenge ang sitwasyon sa South China Sea. Sa kabila nito, pinagtibay pa rin niyang committed ang administrasyon sa pagpapanatili ng kapayapaan at pagsunod sa rules-based order sa gitna ng lumalalang tensyon sa pinag-aagawang teritoryo.