Mananatiling matatag, masigla at matibay ang relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ito ang tiniyak ni US Embassy Chargé D’affaires John Law, kahit sino pa aniya ang manalo sa ginaganap na 2020 US Presidential elections.
Ayon kay Law, walang magiging epekto sa pagkakaibigan ng Amerika at Pilipinas, anuman ang resulta ng eleksyon sa kanilang bansa.
Ito aniya ay dahil sa napakatibay at ilang siglo nang relasyon ng 2 bansa.
Tiwala rin si Law na sa halip ay mas lalo pang lalago at uunlad ang pagkakaibigan ng Amerika at Pilipinas sa hinaharap.
Samantala, tiniyak naman ni Law na nakahanda ang Estados Unidos na magpaabot ng tulong sa Pilipinas para sa muling pagbangon mula sa pananalasa ng bagyong Rolly.