Nilinaw ni Health Secretary Francisco Duque III na aabutin pa ng lima hanggang pitong araw bago ganap na matukoy kung positibo nga sa Meningococcemia ang isang pasyenteng isinugod sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center kamakailan.
Ayon kay Duque, karaniwang inaabot ng isang linggo bago makuha ng resulta ng kanilang isinasagawang pagsusuri sa nasabing pasyente.
Sa ngayon aniya, suspected Meningococcemia ang kanilang working diagnosis sa nasabing pasyente.
Kasabay nito, ipinaliwanag ni Duque na hindi ganun kadaling mahawa sa Meningococcemia na tulad ng pinangangambahan ng lahat.
Aniya, karaniwang madaling makapitan ng Meningococcemia ang mga bata, senior citizens at higit sa lahat ang may sobrang bagsak na resistensiya.