Muling nagsama sa iisang okasyon sina Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo sa kabila ng naging lamat sa relasyon ng dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.
Sa ginawang pagtatapos ng Maragtas Class of 2018 ng Philippine National Police Academy (PNPA) sa Cavite, binati ng pangulo sa ikatlong pagkakataon si Robredo na kasama niya sa entablado.
Magugunitang unang nagsama sina Pangulong Duterte at VP Leni sa Graduation Rites ng Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City gayundin sa ika-121 anibersaryo ng Philippine Army sa Taguig kahapon.
“Vice President Maria Leonor Leni Robredo, this is the 3rd time that I have greeted you my lady, unang una nung sa PMA sa Bagiuo, then sa Fort Bonifacio kahapon, at dito ngayon, sana po may graduation pang iba para magkita pa rin tayo, I love to see my Vice President”.
Samantala, binigyang diin naman ni Pangulong Duterte na kulang pa ang mga nagsipagtapos sa PNPA upang tugunan ang malaking pangangailangan para sa mga pulis sa bansa.
“I lose 3 to 4 policemen a day throughout the country, kaya nung nagtingin ako sa mga graduates ngayon, sabi ko medyo kulang ito, we will not be able to satisfy the requirements of officers to police the police kung ganito lang kaliit and remember that, kami, we are getting old you are the bridging generation”.
Kasunod nito, sinabi rin ng Pangulo na nais niyang itaas sa 75 ang edad ng mga magsisipag-retiro mula sa unipormadong hanay mula sa kasalukuyang 56 na taon.
“After 3 years aalis na ako, I don’t know who would be the next President but certainly matanda na yan, but if the Vice President wins then you will have a young and beautiful President in this country. Alam mo adre sa totoo lang lugi ang gobyerno sa inyo, you retire at the age of 56, that’s too early, do not be offended, kalaki yata ng gastos ko, ang Pilipino tapos mag retire lang at the age of 56, di ako makabawi, kaya siguro the next legislation I will ask the Vice President to do her part paminsan minsan lang naman tayo, retirement age is 75.”