Inihahanda na ng Philippine National Police (PNP) ang retirement honors para kay PNP Chief P/Gen. Archie Francisco Gamboa.
Ito’y sa harap na rin ng nakatakdang pagreretiro ni Gamboa sa Setyembre 2 kasabay ng kaniyang ika-56 na kaarawan.
Ayon kay PNP Spokesman P/Bgen. Bernard Banac, kahit wala pang napipili si Pangulong Rodrigo Duterte na papalit kay Gamboa, mabuti na rin aniyang nakahanda.
Kasunod nito, sinabi ni Banac na inilalatag na rin nila ang change of command ceremony kasunod ng retirement honors subalit nakadepende aniya ito sa magiging iskedyul ng Pangulo.
Gayunman ani Banac, isasagawa ang retirement honors at ang change of command ceremonies sa multi-purpose hall ng PNP sa Kampo Crame kaya’t asahan nang magiging limitado lamang ang mga makadadalo.
Hanggang sa ngayon, tahimik pa rin ang palasyo ng Malakaniyang kung sino ang pipiliin ni Pangulong Duterte na papalit kay Gamboa lalo’t maugong din ang balitang palalawigin ang termino nito dahil sa COVID-19 pandemic.