Pangungunahan ni Philippine National Police o PNP Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa ang isasagawang retraining sa mga sinibak na pulis sa Caloocan PNP.
Isasailalim sa 45 araw na retraining at reorientation ang mahigit 1,000 pulis na tinanggal simula ngayong araw sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Matatandaang sinibak sa pUwesto ng NCRPO O National Capital Region Police Office ang mga nabanggit na pulis dahil sa sunud-sunod na kontrobersiya na kinasangkutan ng mga ito partikular na ang isinagawa nilang police operation kung saan namatay si Kian Loyd Delos Santos.
Noong nakaraang linggo, pormal nang inilipat sa Caloocan PNP ang halos 1,000 pulis ng Regional Public Safety Battalion ng NCRPO kapalit ng mga sinibak na pulis.
Palace on ‘scalawags’
Patunay ang isinagawang malawakang pagsibak sa mga pulis sa Caloocan PNP na desidido ang Pambansang Pulisya na linisin ang kanilang hanay laban sa mga ‘scalawag’ na pulis.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, patuloy ang isinasagawang hakbang ng PNP para disiplinahin ang kanilang mga tauhan sa kabila ng mga kinahaharap nitong kontrobersiya.
Matatandaang , isinasangkot ang ilang sinibak na Caloocan Police sa pagkamatay ng ilang kabataan na sina Kian Delos Santos, Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo alyas “Kulot” De Guzman na pawang may mga kinalaman umano sa illegal na droga.
Ngayong araw magsisimula ang retraining sa mga nasabing pulis na tinanggal sa puwesto.
—-