Inihahanda na ng Department of Health o DOH ang higit isang milyong piraso ng mga hindi pa nagagamit na dengvaxia vaccine para isoli sa kumpanyang Sanofi.
Kasunod ito ng kahandaan ng kumpanyang Sanofi na irefund ang 1.4 bilyong halaga ng naturang anti-dengue vaccine.
Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III, isinailalim na ang imbentaryo ng mga stocks ng dengvaxia sa ilang mga lokal na pamahalaan bago ito dadalhin sa napagkasunduan mga pick-up points.
Nakatakdang i-refund ng Sanofi ang kabuuang halaga ng mga natitirang anti-dengue vaccine pagkatapos ang ma-retrieve ang mga bakuna sa Biyernes.
‘Another case’
Samantala, isinailalim sa awtopsiya ng Public Attorney’s Office o PAO ang bangkay ng isang estudyanteng nabakunahan ng dengvaxia sa Candaba, Pampanga.
Natukoy sa naging pagsusuri sa bangkay ni Kristel Magtira, 12-taong gulang, bukod sa pamamaga at pagdurugo sa kanyang internal organs ay nakitaan din ng blood clot ang utak nito.
Ayon sa magulang ni Kristel, miyerkules noong nakaraang linggo nang makaranas ito ng mataas na lagnat at pagsusuka kaya dinala nila ang dalagita sa ospital hanggang sa bawian ito ng buhay noong Biyernes o makalipas lamang ang higit 21 oras.
Patuloy naman na inoobserbahan sa ospital ang kaklase ni Kristel na naka-confine dahil sa dengue.
Sa tala ng University of the Philippines -Philippine General Hospital, may limang bagong kaso ng pagkamatay dahil sa dengvaxia bukod pa naunang 14 na kaso na pinag-aaralan na ng mga eksperto.
—-