Plano ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magdagdag ng mas marami pang labor attaches upang maprotektahan ang mga karapatan ng mga Filipino Migrant Workers.
Ginawa ni Department of Migrant Workers (DMW) secretary Susan “Toots” Ople ang pahayag matapos itong makipagpulong sa Filipino Community sa Brussels, Belgium.
May mga nakahanda na rin aniyang inisyatibo ang gobyerno para sa mga pinoy sa ibayong dagat na gusto nang umuwi ng Pilipinas.
Ayon kay Ople, handang tulungan ng Department of Agriculture (DA) at Department of Agrarian Reform (DAR) ang mga returning OFWs sakaling nais ng mga ito na pasukin ang larangan ng agrikultura at agribusiness enterprises.
Maliban dito, tutulong din aniya ang Department of Information and Communications Technology (DICT) para naman sa pagsasanay ng mga manggagawang pinoy upang manatiling ‘competitive’ ang mga ito pagdating sa trabaho.
Ang Department of Migrant Workers (DMW) ay nabuo noong December 2021 at makakakuha na ito ng 2023 budget sakaling aprubahan ni Pangulong Marcos ang General Appropriations Act of 2023. - sa ulat mula kay Gilbert Perdez (Patrol 13).