Ipinatawag na sa imbestigasyon ang 15 pulis ng Station 2 ng Manila Police District o MPD Command na nakapatay ng tatlong drug suspects noong October 11.
Ayon kay Chief Superintendent Joel Coronel, hepe ng MPD, inatasan ni Philippine National Police o PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa ang PNP Internal Affairs Service upang alamin ang katotohan sa lumabas na report ng Reuters.
Iginiit ni Coronel na lehitimo ang nangyaring police operations noong October 11 at nanlaban ang tatlong drug suspects batay na rin sa nakuha nilang reports sa barangay.
Hindi rin naman aniya ipinakita sa inilabas na CCTV footage ng Reuters ang aktual na pagkakabaril sa mga drug suspects.
Matatandaan na batay sa inilabas na CCTV footage ng Reuters, inabot ng 20 minuto ang mga pulis para alisin sa lugar ang tila wala nang buhay na katawan ng tatlong drug suspects at kitang-kita rin ang walang pakundangang paghagis sa mga ito sa pedicab na nagdala sa kanila sa ospital.
“Nakita naman po natin na doon sa CCTV na ipinakita ay hindi naman nakita na pinatay, ine-xecute o sinalvage ng pulis ang mga suspek, ito lang ay nagpapakita na merong operation na isinagawa, sa katunayan ang mga CCTV cameras ay mahigit 50 meters away from the encounter site kaya hindi po mapapakita o mapapatunayan na inexecute ng mga pulis ang suspects.” Pahayag ni Coronel
(Ratsada Balita Interview)