Kumbinsido ang kampo ni retired Police Director Getulio Napeñas na ang Bangsamoro Basic Law (BBL) at reward money ang puno’t dulo ng paglutang ng sinasabing alternative truth sa Mamasapano incident.
Ayon kay Atty. Vitaliano Aguirre, abogado ni Napeñas, maaaring gustong pabanguhin ng Pangulong Noynoy Aquino ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) kaya’t siya mismo ang nagpalutang sa alternative truth kung saan sinasabing, ang MILF ang nakapatay sa teroristang si Marwan.
Puwede rin aniya na mayroong grupong interesado sa 5 milyong dolyar na reward money mula sa Amerika at P6 na milyong piso pa mula sa pamahalaan ng Pilipinas na nakapatong sa ulo ni Marwan.
Sinabi ni Aguirre na nakapagtataka na ngayon lamang inihahayag ng gobyerno ang pagsasampa ng kaso laban sa mga responsable sa Mamasapano incident gayung matagal na pala itong nakahanda.
Una rito, mismong ang Pangulo na ang nagbigay ng tuldok sa sinasabing alternative truth sa pamamagitan ng pagsasapubliko ng mga larawan na nagpapatunay na ang Special Action Force o SAF ng PNP ang nakapatay kay Marwan.
“Sinabi ng Pangulo na ifa-file na ‘yan sa susunod na linggo, all along ready for filing ‘yan pero minabuti ng Pangulo na pagdudahan muna ang SAF sa pagkapatay kay Marwan bago niya na-realize pero kung tutuusin po hindi dapat nanggaling sa kanya ang pagbukas na ito sapagkat siya ang Pangulo ng Pilipinas, alam na alam naman niya na wala siyang matibay na ebidensiya sa kanyang kamay.” Giit ni Aguirre.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit
Photo: Credit to the owner